Friday, May 27, 2011

UGAT-PAK

Hirap sa Sarap. Lingap sa Pagtanggap. Agosto 25, 2009

Takot ako sa mga estranghero- dayuhan man o kababayan. Parehas silang walang maiaambag na kaisipan sa akin. Lahat sila nakakatakot. Singtass ng kisame, may balbas, bigote at tattoo, kutis-porselana, o dika nama’y singkit, matangos ang ilong. Meron ding iba ang amoy, malayo pa lang at may iisang lenggwahe ng pagiging iba. ‘Yan ang malupit na pagsasalarawan ni inay sa mga nilalang na naging iba sa akin sa panahon ng aking kamusmusan. Madalas, nakakasama ko na sila.
Lahat ng sarap, malalangahap sa pamamagitan ng hirap. Kung hindi ka dadaan sa matagalang paglingap sa determinasyong matanggap, aba tiyak ‘di ka masasagap.
Hanggang sa kahuli-hulihang minuto, nag-isip ako. Sasali ba ako? Hanggang sa tumunog ang pinakamalakas na kampana sa loob ng tainga ko. Sumisigaw ng “Oo!” sa bawat balik ng kampana sa dalawang tunog nito. Hindi ko rin maalala kung anong hirap ang dinanas ko sa pag-asikaso sa mga papeles ko. Natakpan na rin siguro ng karanasan kong makatapak sa lupain ng ng mga Hapon. Ang naaalala ko lang, sumulat ako ng sanaysay kung bakit ako ang kailangang mapili, nagpasa ng mga personal na dokumento gaya ng birth certificate, NBI clearance, transcript of records, at iba pa, ang passport, sumunod na lang ng ako’y napili na.
Totoo nga. Wala sa dami ng hirap o pagsubok ang oportunidad, nasa swerte ng taong hahawak ng pagkakataon. Wala sa talino o abilidad ang korona, nasa sinseridad. Sinsero ako subalit hindi nag-asam sa panahong iyon. Ewan ko ba. Sa dami ng mga sinalihan kong patimpalak na nangangailangan ng pag-aabang ng resulta, eto na yata yung hindi ko inasahan at hinintay. Hindi dahil nais ko talagang mapili kaya hindi ko binuburo sa isip ko. Nakalimutan ko na rin kasi kahit papaano. Sa dami ng ginagawa noon sa Development Communication Campaign namin. Maaari ring hindi ko na rin inisip pagkat alam kong maraming kalaban, sa pangkat pa lamang namin eh ilan na ang nagpasa, sa universidad, at sa dami ng pamantasan sa kalupaan ng Pilipinas. Naisip ko: Mapipili pa kaya ako? Tanong na sa simula’t sapul pa lang eh tinatak ko na sa sintido ko.
Hindi ko alam kung anong kidlat ang tumama sa bubungan ng aming tahanan at dumaloy ang kuryente nito mula kisame hanggang sa akin. Mula sa akin, dinala ko hanggang Japan. Kidlat na nakakaengganyo. Kidlat na nakakapaso.
Sumobra ata si Bro sa pagbibigay ng grasya sa akin. Ika nga nila, wala namang Siyang ibibigay sa’yo na di mo kaya. Di ko nga kaya. Namroblema ako noon. Sa gastos. Nagkasabay-sabay kasi ang kailangang pagbuhusan ng pera: thesis para sa totoong thesis, thesis sa Pilandokan Kumperensiya, panggastos sa Japan at maging mga utang na kailangang punan sa aming campaign. Nakakaiyak lalo’t ang realidad eh walang pasok. Walang pasok, walang baon. Di pa ko nakahabol sa trabaho sa City Hall. Kung natanggap ako, di baling mabugbog ko ang sarili ko kakaisip at kakatrabaho, wag lang ang lahat eh tuluyang maglaho. Wala ngang naglaho.
Inilabas ko ang ugat-pak ko. Tulad ng tawag sa pinanggagalingan ng mga kapangyarihan ng mga bida sa teleseryeng Mulawin. Tuloy ang pag-alpas sa kumunoy ng paghihirap. Sa tulong ng mga alagad ko: ang aking dalawang kapatid, maging ang kapitbahay namin, sa pinakamatalik kong kaibigan, ang kanyang kaibigang kaibigan ko na rin at sa lahat ng may koneksyon sa akin na napakinabangan ko sa pagsasakatuparan ng maladelubyong proseso ng paggawa ng disersyon. Hay. . . buhay. . . salamat. Siniguro kong sa pag-uwi ko, hindi ako hahabulin ng tik-tak ng mga orasan gaya ng paghabol sa akin sa pinanggalingang bansa. Nabawasan ang utang. Nagpadala si Tita ng baon sa aking paglayag, ng panggastos sa inaasikasong mga papel na binayad ko naman sa pondo n gaming campaign. Solb. Ang ugat-pak natawa sa dami ng pinagkaabalahan, sinong aangkas pa?
Sa dulo ng aking pakpak ay may nagmamatyag na higit na malaking pakpak, dambuhala sa lahat. Di ako nakaiwas, ako’y sinama sa pagluwas. Wala naman ang sisi. Ako ang pumili.
Larga. Alam ko na ang pinagkaiba ng serbisyong panghimpapawd ng Pilipinas sa Hapon. Tikom na lang ako. Limang oras akong iniangat ng malaking pakpak. Todo kapit pagkat pag lumabas ang sariling ugat-pak, saan pa ako makakarating. Sa Serbia? O baka ibalik ako sa Pinas ng nangungulila kong kalooban. Ang daloy ng trapiko mula airport patungong hotel, mabilis. Sabi ko nga, sa Pilipinas, kapag nasa bus ka, walang pinagkaiba sa pagsakay mo sa pampasaherong jeep. Parehas aalog ang katawan mo. Pero ibahin ang sementadong lupa ng Japan. Sakay ng bus, wala akong naramdamang batong nakatengga sa kalye. Ni pagsubsob ng dugo ko sa ugat eh wala. At sa pagkakatantsa ko, ang Tokyo na kapitolyo ng Japan eh higit na malawak na Maynila. Hindi lamang triple, baka nga sinlaki ng NCR o mas malaki pa. Para kasi kaming nagbiyahe mula NAIA hanggang Luneta mula Pasay hanggang Maynila. Di pa yun ang hangganan ng Tokyo ah.
Shinjuku ang kumupkop sa aming 100 delegadong kabataan ng Perlas ng Silangan. College of Saint Belide sa Pinas. Mall slash hotel ang Shinjuku. Ang lawak? Di ko matantsa basta ang alam ko, mas malaki sa Manila Hotel. Prestihiyoso rin daw ang mga tumutuloy sa hotel na iyon. Di basta basta ang ginaganap doon: kasal, binyag, at iba pang seremonya (ng mga mayayaman at kilalang tao sa kanilang lipunan).
VIP nga. Bawat kakainan, ibang lugar. At sa bawat lugar, iba ang halaga ng pagkain. Pangmayaman? Hindi ko alam. Hindi ko kasi pinag-aralan kung anong pangmayaman o anong pangmahirap na pagkain sa kanila. Baka wala. Sa Pilipinas lamang naman nagkakaroon ng dibisyon sa lipunan, sa lahat ng aspeto. Ang Japan, sa pagpapakilala at sa pagmamasid namin, walang pinagkaiba ang mayaman sa mahirap, walang harang na nagdidikta ng kung sino ka at kung ano lang ang dapat mong gawin sa bansa mo. Yun ang kulang sa Pinas, ang demolisyon sa higanteng harang na nagbibigay ng antas sa bawat tao.
Pangulo ang sa tin, sa kanila ay Pinunong Ministro at Emperor. Bagamat dalawa silang itinuturing na pinuno ng kanilang bansa, respeto ang sa kanila’y namamagitan. Ang Emperor nila ang siyang simbolo lamang, tagahawak ng responsibilidad sa pangalan ng bansa. Sa kabilang banda naman, ang Pinunong Ministro naman ang siyang may pinuno ng sangay ng pamahalaan: sa pagsasagawa ng batas, sa pagpapatupad nito at sa hustiya. Balanse talaga.
Kung may Lucas ako sa Pinas, may Murakami Family naman ako sa Japan, sa Komatzu prefecture (probinsya sa atin). Sila, ang nagbigay sa akin ng mga karanasan upang higit na maramdaman ang pamilyang Hapon. Kahit pa lantaran at walang pakundangan nila akong iniwan sa parlor shop para isali sa Busu Festival. Buti na lang kasama ko ang mga ka-delegado ko at syempre ang kapatid kong delegado rin. Habang nagsasalita sila sa kanilang sariling wika, wala kaming naiintindihan. Alam ko lang, minemake-up-an kami. Sila lang din ang nagsabing pambabae ang ginagamit na kulay sa amin. Nakupu! Anong gimik ‘to! Sabi ko, kalma lang, baka picture-taking lang ‘to. Natatawa na lang ako sa ganda ko. Haha. Pero nagulat ako, may mga katulad kami sa labas, mga Brazilian, nakabihis babae rin, itsurang babae talaga, painira lang ang mga muscles na nakabakat. Ang mabibilog at malulusog na parte ay talagang nakakatawa. Nakalimutan kong pati ako nakasuot gaya ng kanila. Isa pa sa nagpahanga sa akin ang Busu Festival, isang pagdiriwang sa lunan ng Komatzu na nagbibigay-halaga at pugay sa mga babaeng Hapon na may di kagandahang-anyo at katawan. Lahat talaga tiyak na balanse.
Gigising ako sa amoy ng tuyo, kapiling ang kamatis. Sa tanghaling tapat, natitig ang araw, pritong isda, itlog na maalat, at munggo. Sa gabing malamig--- nilaga. Doon, walang ganoon. Pagkat walang oras doon.
Ang mahahagway na gusali sa Tokyo, at ang payapang kapaligiran sa Komatzu ang naging basehan ko na walang oras, walang tiyak na tanda ang mga oras sa bansang iyon. Di gaya sa bayan ni Juan kung saan magigising ka sa umaga kasabay o di kaya dahil sa tilaok ng manok, ingay ng mga batang naglalaro o ng paglilinis ni inay. Umaga rin kung ang radio ay tumatalak ng mga komentaryong panlipunan, tuwing Linggo ay pagmamahalan. Tanghali kung matindi ang araw, kung saan lahat tayo inaapakan ng sinag ng araw. Sa Japan, ang araw ay pinipigilan ng mga gusali at hanging humahampas dahilan upang mabawasan ang init at mawalan ng palantandaan ang oras ng pananghalian. Ang hapon sa kanila ay walang pinagkaiba sa umagang tahimik, sa tanghaling may sinag ng araw na mapagpanggap, sa gabing walang inalala kundi ang bukas. Ultimo halaman di sumasabat sa katahimikan. Kung nabibigla tayo sa bilis ng panahon at oras sa ating bansa, lalo’t higit sa kanila pagkat kung sa atin, ang oras ay ginto, buhay iyon para sa kanila.
Kung hindi ko pa ginising si Cuelo eh hindi namin maabutan sa tahanan an gaming poster father. Alas-sais pa lamang eh simula na ng pagkayod doon. Pinilit ko talagang magising huling araw ng pananatili namin sa tahanan ng Murakami upang kahit papaano masimulan naman namin, kahit sa akin na lang ang diwa ng hospitalidad ng mga Pilipino. Naiintindihan namin kung bakit hindi nila magawang mahintay kami sa oras ng agahan para makasabay pagkat kasalanan din namin, naging mabagal kami at iyon ay dahil sinusulit namin ang lamig at mahimbing na pagtulog sa papag na may kutson. Hindi ka gigisingin ng lamig sa Japan, sa tindi ng panaginip sa sasakop sa pagtulog mo, mahirap magising, lalo na para sa gaya ko na iniwan ang sandamukal na suliranin sa bansang pinanggalingan.
Limang taon pa lamang ako, nagkakape na ko. Noong nasa Japan lamang ako hindi nakapagkape. Sa hotel, oo, may mga kapeng ikaw mismo ang magtitimpla ngunit inuwi ko na lamang ang mga coffee, sugar at milk stick sa Pinas para naman madala ko ang kapeng ipinagmamayabang ng Japan ngunit aminado akong mas suplado ang kape ng Pinas. Dagdag pasalubong din yun sa mga nais kong maramdaman at malasahan ng pamilya ko pag-uwi ko. Nais ko rin kahit papaano na maramdaman nila ang langhap sarap ng Japan. Gatas at tubig ang pantulak ko sa almusal na itlog na omelet, malaking tinapay na may sukat na doble at triple ng kamao ko, isdang may sabaw na may hawig sa sardinas ngunit hindi, manok na walang buto, yogurt o tahong walang arnibal at lasang suka, kanin na maramihan kong kinukuha kapag sa hotel dahil self-service dahil kapag sa restaurant eh kapiranggot lamang na masusubo ko lamang ng isang beses, pasta na ikaw mismo ang mamimili ng isasabaw mo: red o white o green, at marami pang iba na hindi ko kayang pangalanan pa. Minsan nga, mag-iimagine ka kung anong putahe ng Pinas ang kahawig o kalasa ng mga kinakain doon. Kambal ba ito ni menudo? O pinsan ba ito ng nilaga? O malayong kamag-anak ba ito ng pansit? Marami kang maiisip at tiyak na lolobo ang isip mo sa kung papaano mag-isip ang mga kapwa mo kabataan. Ngunit sa lahat ng nakita kong malapit na pagkakaugnay, isa lamang ang nakita kong iisa. Fried Chicken.
Naranasan din namin kung anong pinagkaiba ng pagkain sa restaurant, hotel at bahay. Masarap sa hotel at restaurant ngunit may sangkap talaga ang pagkain sa bahay na nagpapatindi ng sarap, ang kwento ng panatag na ina. Sa pakikipagkwentuhan namin sa aming inang komportable sa aming galaw at pananalitang Ingles, nalaman namin kung gaano kayaman ang Japan, sa kultura, komunikasyon at tradisyon. Anong ipanlalaban ng Pinas sa libreng text messaging sa lahat ng taong kapareho mo ng linya at tawag na libre sa lahat ng oras maliban pagpatak ng alas-9 ng gabi hanggang ala-una ng madaling-araw? Anong pambato ng kulturang pambata ng Pinas sa masining na pagpapahayag, ang teatro, ang Kabuki kung saan binibigyang pagkakataon ang mga bata na gumanap sa papel na bahagi ng kultura at kasaysayan ng pamamahala sa bansa nila. Nasaan ang kahalintulad ng Ikebana, tea ceremony at iba pang tradisyong nangamusta sa amin sa Japan?
Kung gaaano kakilala ang lahing Pilipino eh laking gulat sa akin. Sa isang kainan sa paanan ng bundok kung saan malapit nakatira ang pamilya ng kapwa ko ambassador eh nagdiwang ng family gathering ang Murakami Family at ang pamilya ng kapwa ko rin delegado. Tatlo na kaming Pilipinong kabataan na kasama nila. Isang pagsasalu-salo. Sa maniwala kayo’t sa hindi, sa loob ng isang oras, ang mga hilaw na pagkain ay ay naiproseso agad. Ang mahabang mesa sa tapat ng isang altar, sa gilid ay may litrato ng mga taong ninuno pala ng pamilya. May malaking bilog na lutuan sa harap na dinadagdagan na lamang ng hilaw na karne ng baka upang di maiwasan ang kakulangan o ubusan, nandoon yata kami. Ang kainan? Mangkok. Ang liit. Chopsticks ang ginamit ko kahit pa pinapagamit nila ako ng kutsara at tinidor. Nakisama ako kahit hirap ako sa pagkain ng todo. Marunong ako magchopsticks pero hindi ko gamay! “Hindi mo yan malalasahan, hindi mo kasi gamay ang dalawang kahoy na pangkain nila, hindi mo yan malalasahan.” Ang daldal ng sintido mo Lukas! Tawa ako ng tawa sa isip ko, habang sila ay nagtatawanan sa kung anong paksang di naman namin maintindihan. Ang dalawa kong kasama, aba, nakikitawa rin, natawa na rin ako. Pagkatapos ng kainan ay ang kwentuhan sa pagsasalarawan nila sa Pilipinas. Natawa ako sa isang ginang na itinuro pa sa kawalan ang pwesto ng Pilipinas sa globo. Tama siya, malapit sa Taiwan, malapit sa Indonesia at Borneo. Ang ating tuyong mangga ay sikat na sikat sa kanila, mamahalin kasi iyon sa kanila at sarap na sarap sila. Tinuruan din namin sila ng mga awitin at mga salitang nagpapahiwatig ng paggalang sa Pilipinas gaya ng po at opo. Nagulat din ako sa kung paano isagawa ng anak ng ginang ang isang magic trick. Nag-aral pa ito sa Amerika ng mahigit isang taon para lang matuto ng mahika. Kaya naman hindi na nakakapagtataka kung paano nabihag ng kanyang kamay ang puso ng Canadian girlfriend niya na kanyang poster sister noong panahon na ang kanyang pamilya ay nag-ampon din ng exchange student mula naman sa Canada. Pag-ibig nga naman, tatahakin ang lahat, maging karagatang Pasipiko. At oo, nandoon ang nobya niya sa oras ng salu-salo. Doon na nagpatuloy ng pag-aaral. Mayroon din kaming nakilalang Chinese at Arabian na tinuturuan ng aming ina sa pag-aaral. Propesor sa wikang Inggles ang aming ina.
Di ko man lang nasilayan ang rebulto ni Rizal doon, ang iba’y nakatakas yata. Gayumpaman, hindi na nila kailangan ng mahabang paliwanagan kung gaano nila niyayakap ang karapatan ng ibang lahi. At doon ko rin napagtanto na dahil sa kanila, nabigyan ako ng panibagong karapatan: ang makapaglayag gamit ang pakpak, imposible ngunit possible.
Isang tao lamang ang nakapagsalita ng diretsong Inggles sa buong takbo ng programa. Bukod sa aming mapagmahal na translator na palaging nagpapaalala na maghand sanitizer at miyembro ng Japan International Cooperation Center, ang Ministry of Foreign Affairs ng Japan lamang ang naintindihan namin ng walang kasunod na tandang pananong sa bawat pangungusap. Alalang alala o kung paano niya ilarawan ang programa, ang hirap at sakripisyo ng mga Hapon sa paglulunsad ng ganoong programa. Malaking tagos sa amin iyon, simbolo ng kanilang pagpapahalaga sa ugnayang panlabas di lamang ng kanilang bansa sa atin ngunit ng iba pang bansa sa Asya. Lalo pang naramdaman namin ang metikulosong pagsasakatuparan ng programa nang banggitin niya ang matinding epekto ng pandaigdigang krisis pananalapi. Oo nga, bulong ng labi ko. Wala akong naisip kundi puro pasasalamat sa oportunidad at higit sa lahat sa pakikipagkaibigan, estranghero ang lahat sa akin ngunit naging katoto ko ang mundo sa loob ng ilang segundo at hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala sa isip ko ang mga kakaibang mukha, nakakatawang pagtawa, kakaibang jokes nila, at maging ang mga salitang nakakatawa.
May CCP din ang Japan, museo ng Edo-Tokyo. May kahawig ang Malacañang at Luneta. Ang Makati at Ortigas. Ngunit walang tatalo sa Megamall at Mall of Asia. Maaaring may tumalo sa Ilog Pasig. May hawig ang malawak na kalye ng EDSA, SLEX at NLEX ngunit wala sa bilis g daloy ng trapiko. Isa pa, wala silang gaya ng nakikita mo sa salamin.
Ang pinakanaaalala ko sa lahat ng nangyari sa akin sa Japan ay ang mabilis na biyahe namin sa daan, sakay ng pampribadong bus. Walang alog na nararamdaman. Maaaring makatulog ako, sa ganda ng kapaligiran, malinis at maaliwalas ngunit pinili kong magising sa lahat ng oras ng paglilibot namin sa daan. Matagal pa kasi o marahil hindi na maulit ang buhay na panaginip na iyon. Kung may malawak na pakpak lamang ako, din na sana ako nag-apply pa para sa programang iyon. Ang pinakamalungkot na bahagi ay kung paano, sa lahat ng panahon, hindi makayanan ng Pilipinas na maging Japan. Naniniwala maging ang mga kasama ko na hindi porke walang teknolohiyang yaman ang Pilipinas, hindi na nito magagawang maiahon ang sarili o magawang mayaman at mabilis ang daloy ng lahat. May matinding karamdaman kasi ang Pilipinas na nagmumula sa kalingkingan nito. Hindi na kailangang banggitin pa pagkat maliwanag at nakikita naman na. Oo, nainiwala akong mas mayaman ang Pilipinas sa Japan. Kaya nga ang halaga ng piso ay higit na mataas sa yen dahil sa buhay na katotohanan na hindi lang sa likas-yaman nangunguna ang Perlas ng Silangan. Kung makikita mo lang. Kung gaano kabagal ang takbo ng bawat salapi sa Japan. Kung gaano kalungkot ang merkado nila di gaya sa atin. Ang mga sari-sari store ni Aling Nena, marahil mas marami ang suki kaysa sa mga tindaang nasa kalye ng Komatzu. Kung gaano iniimbak ng mga Hapon ang kanilang salapi sa di malamang dahilan, na nagreresulta sa tahimik na pamilihan. Kung gaano tayo lamang? Higit.
Dalawa lamang ang prinsipyong umiikot sa mga Hapon: Disiplina at Kultura. Iyon ang tiyak kong malaking pagkukulang ng mga mamamayan sa bansa natin. Hindi ba’t kilala ang mga Pilipino sa pagiging relihiyoso, bakit hindi magawang maging tapat at disiplinado sa lahat ng bagay gayong sa huli, tayo’t tayo rin ang makikinabang. Sa pamumuhay ng Japan, walang mahirap gaya ng sitwasyon sa Payatas, walang squatters at walang langaw na sumisira sa imahe ng kapaligiran. Lahat nabubuhay dahil sa disiplina. Ang kultura ng Pilipinas, mayamang nagtatago sa mga pag-iisip ng iilang tao o grupo lamang. Hindi malawakang naipapaalam ang tradisyong bumabalot sa lahat. Malay ba natin kung doon tayo makikilala?
Hirap sa Sarap. Di ko na naisip lahat ng aking paghihirap. Tinignan ko na lamang iyon bilang sangkap ng aking nalanghap na sarap ng bagong lupain. Sa Pilipinas, ako’y may hinahanap. Sana’y matagpuan ko. Katulong sana ang gaya mo sa malupit na paghahanap ng katarungan, disiplina, pagkamakato at kultura. Lingap sa Pagtanggap. Maluwag ang lahat. Tanggap ko na magtatapos ang lahat, sa isang pamamalaam ngunit hindi sa pagkalimot dahil walang hanggan ang memoryang dala nito--- sa aking puso at sintido.
NAIA. Mainit ang panahon--- ibang iba. Ang dami ng tao, iba sa dami ng taong nagmamadali. Bitbit ang sariling maleta, sumakay sa bus na may upos ng sigarilyo, may bakas ng bandalismo at may tatak ng pagkaluma. Ang luma sa lahat, ang trapiko. Anak ng trapiko. Paano ka mababago. Kailangan ko ng estranghero. Ugat-pak, liparin mo akong muli.

No comments:

Post a Comment