Tuesday, May 17, 2011

Sobernir

Aking nalimutan
ang aking pangalan
nang mapuntahan
ang mayamang bayang
may mga gusaling hanggang kalangitan
may mga sasakyang nagliliparan
at may mga kalsadang lumulutang-lutang.
Nais kong hagkan
ang lupaing dayuhan
kahit saglit man lamang
ngunit aking naisipang
halikan na lamang.


Sa Shinjuku Hotel tumira
kaming mga delegado roon ay pansamantala
walang ano-ano at akin nang sinamantala
ang pagkain sa mala-buwang plato ng sushi at tempura
ang pagligo sa mala-langit na kubeta
at ang paghiga sa mala-ulap na kama.


Pagkatapos, doon kami tumuloy
sa palasyo ng emperador
at di na ako nagpaligoy-ligoy
at sinabi kong ako ay naparoon
para apiran ang lahat ng mga Hapon
at siya ang una kong hinamon.


Nilibot ko ang palasyo
at sa malawak na sala ay natanto
ang isang basong
ininuman (marahil) ng pinuno
walang ano-ano
at ito ay aking itinago.


Sa isang Museo
sa bahagi ng Tokyo
ay may tindahang dinudumog ng tao
at isang t-shirt ang aking ginusto
walang ano-ano
at sa bag ko ito dumiretso.




Ang huli naming pinuntahan
ay isang mamahaling kainan
kung saan matatanaw
ang Statue Liberty na katangkaran
(ito ay isang replika lamang)
ngunit para na rin naming nasilayan
ang malayong kanluran.


Walang ano-ano ay aking kinuhaan
ng malalaking mga pinggan
ang naturang restoran.


Nais kong walain ang aking passport
para di na ko muling bumalik sa Ninoy Aquino Airport
o di kaya ay sa ospital magpasugod
upang ang nalalapit na pag-uwi ay maudlot
at ang lahat ng klase ng krimen
ay akin nang gagawin
kung ang aking dalangin
(na pagbista ay pahabain)
ay hindi susundin.






(Ito ang huling tulang nagawa ko sa LIRA WORKSHOP)

No comments:

Post a Comment