Saturday, May 21, 2011

10 Batas sa Pamantasang Utak ang Puhunan

May iba't ibang kultura ang mga pamantasan sa Maynila. Ito ang kulturang pinanggalingan ko at nasunod ko rin ang mga batas na ito kahit ako lang ang may gawa gawa nito. Ngunit tiyak kong maiintindihan ninyo ang lahok na ito. 




1.   Huwag kang mag-iinarte.

Lahat ng kamalasan sa buhay mo: trahedya man ‘yan o aksidente, wala ‘yan sa delubyo ng init at paghihintay sa PUP kaya huwag kang magrereklamo kung wala kayong pansamantalang kuryente sa bahay at huwag kang mag-iiyak kung hindi dumating ang boyfriend o girlfriend mo sa napagkasunduan niyong oras, wala pa ‘yan. Napansin ko lang na ayaw na ayaw ng mga PUPian sa mga maaarte, lalo na ‘yung sanay na sanay na sa sistema. Isang malaking ekis ang pagrereklamo sa harap ng mga kapwa estudyante dahil iisipin nila e baka transferee ka sa PUP o first time mong maranasan ang gano’n sa PUP at malamang kung malaman nilang transferee ka e ibubulong nila sa isip nila na “huwag ka nang mag-aral pa sa PUP at tiisin mo na lang na maghirap ang angkan niyo sa pagbayad ng napakamahal mong matrikula”. Pagbibigyan ka nila kung baguhan ka sa PUP at ibubulong nila sa isip nila na “masasanay ka rin”.






2.   Huwag kang babagal bagal.

Ang oras ay ginto para sa mga estudyante ng PUP. Sa panahon ng enrollment na unang hakbang para maging ganap na iskolar ng bayan, mawawalan ka ng slot kapag babagal bagal ka at walang artista, pulitiko at mayaman sa PUP dahil kapag nahuli ka sa pila, walang magpapasingit sa iyo lalo kapag nasa unang proseso ka ng pagkakolehiyo, doon pa lang e talo ka na. Kapag babagal bagal ka sa pila ng ID, Registration card, cashier, walang mangyayari sa buhay mo. At sa bandang dulo ng pagiging estudyante mo, kapag babagal bagal ka sa proseso ng graduation, mamumuti ang mata mo sa paghihintay ng final list ng graduates. At sa oras ng graduation ceremony sa World Trade Center, kapag nahuli ka, baka hindi ka na makaakyat ng entablado para sa sa pinaghirapan mong diploma.






3.   Huwag kang malilito.

Ngayon alam ko na kung bakit maagang itinuturo sa mga bata ang direksyon sa mga daan. Bukod sa iligtas sa daan ang mga buhay, ito ay para hindi tayo maligaw sa daan. Sa PUP, kapag naligaw ka ng daan, maliligaw na rin ang buhay mo nang literal pagkat hihiluhin ka ng North, East, West, at South Wing. Huwag ka ring malilito sa mga floors sa PUP dahil ang bawat floor ay may particular na kolehiyong nagmamay-ari.






4.   Ipunin mo ang confidence para sa kamag-aral, unitrend, guro, non-teaching personnel, at maging pati sa admin.

Sa kahit anong laban, confidence ang unang sukatan. Sa kahit anong buhay-kolehiyo, maaaring may makaalitan ka dahil sa hindi pagkakaunawaan o kung anupaman ngunit nais ni Pylon at ni Mabini na maging makatao ka at matutong gumalang sa iba pang uri ng tao sa loob ng paaralan. Sa dulo, magkakadikit pa rin ang sikmura niyo dahil iisa ang pinanggalingan niyo. Darating ang panahon na ang kompetisyon sa loob ng PUP na ugat ng awayan niyo ay mapapalitan ng kompetisyon sa labas, ang realidad ng buhay sa labas ay higit na delikado kaya’t sa oras na magkatagpo kayo ng mga kapwa mo PUPian sa trabaho o sa anumang oportunidad sa susugurin e malamang mawawala sa puso niyo ang kompetisyong nagsimula pa no’ng kayo’y nasa kolehiyo pa. Sa oras na mapabilang ka na rin sa ALUMNI Association e malamang ipagtatanggol at ipagtatanggol mo ang kapwa PUPian mo hanggang sa abot ng katwiran mo. Ang mga masisipag nating mga unitrend workers, ang mga minamahal nating mga guro, ang mga pasensyosang mga non-teaching personnel at mga admin, sila rin ay gaya natin at hangad din nilang makaraos sa bawat araw kahit nakakapagod ang buhay.






5.   Igalang mo ang araw na iyong bakante.

Bakasyon ang pinakamasayang araw para sa mga estudyante. Ang batas na ito ay inilaan na may panahon ka naman para magpahinga. Magpapahinga ka hindi para literal na magpahinga kundi magpahinga sa biyahe papuntang school, pagpahingahin ang bulsa, patulugin ang mga bag ngunit hindi ang problemang bitbit mo hangga’t hindi mo natatapos ang semester at ang apat o limang taon mo sa kolehiyo. Marahil para sa iba ay itinuturing nilang biyaya ang araw na wala silang pasok dahil wala silang perang lalabas. Oo, nakikita ko mula sa mga mata ng mga estudyante ng PUP na bagamat hindi nga lahat ay mahihirap, bagamat ang mayorya ng mga estudyante ay may cellphone na mamahalin, ang iba ay mayroon pang laptop at ipad, mayroon ding mga walang-wala. At marahil para sa kanila talaga ang PUP. Maraming nagsasabi, kung gusto niyong umahon ang Filipinas, huwag kayong magsiksikan sa mga state universities and colleges, mag-aral kayo sa pribado para may mapuntang porsyento para sa pamahalaan. Ngunit ako, aminado akong kung wala ang PUP, hindi ako matatahimik kung mag-aaral ako sa pribadong paaralan habang ang mga magulang ko ay napapagod na kakaisip kung saan kukuha ng pangmatrikula ko at ng baon ko. Hindi kami walang wala ngunit lagi kong inilalagay ang sarili ko sa sitwasyon ng iba. Oo, kung hindi mo nalalaman, may mga estudyante pa ring nahihirapang bayaran ang P12 per unit na tuition sa PUP. May mga estudyante pa ring walang baon at nagtitiis sa kung anong makakaya ng dala nilang pera. Para sa kanila, kayamanan ang minsang wala silang pasok, para naman may makain ang pamilya nila nang sagana sa araw na iyon. Para sa kanila, araw-araw na pagsubok ang pagpasok ngunit hindi sila sumusuko.






6.   Huwag mapanghihinaan ng loob.

Sa oras na mahuli ka sa transaksyong dapat mong matapos dahil naabutan ka ng mga breaktime, huwag kang mapanghihinaan ng loob dahil may bukas pa. May panahon ka pa para bilangin ang mga breaktime ng mga kawani sa PUP ngunit hindi natin sila masisisi dahil sa dami ng estudyanteng kanilang aasikasuhin ay talagang nakakapagod nga.






7.   Huwag kang mahiyain at matatakutin.

Ang pinakauna’t huling matututuhan mo sa PUP ay ang huwag maging mahiyain sa lahat ng bagay. Sanay kasi ang PUPian sa lahat ng biglaan at pasikatan. Bukod sa talentong kakaiba ng mga PUPian, hindi rin naming ikinakahiya ang pagiging PUPian namin: na kami ay nag-aaral sa pamantasang may pinakamababang matrikula, na kami ay nag-aaral sa pinakamalaking pamantasan pagdating sa dami ng bilang ng estudyante nito, at na kami ang unibersidad na pugad ng mga aktibista. Siguro kung may pinakaproud na mga estudyante sa buong Filipinas, mga PUPian na iyon dahil sa kabila ng mga negatibong konotasyon at balita tungkol sa aming Sintang Paaralan, tumatanggap pa rin ito ng malalaking tagumpay sa loob at labas ng bansa. Nadadaig pa naming ang ibang pamantasan pagdating sa kompetisyon at listahan ng magagaling.  






8.   Matuto kang magtsinelas mula sa tahanan hanggang pamantasan.

Hindi ka taga-PUP kung ni minsan sa buhay-kolehiyo mo ay hindi mo nasubukang magtsinelas sa pagpasok. Kung ang Marikina ang Shoe Capital ng bansa, ang PUP ang Tsinelas Capital. Bakit nga ba nakatsinelas ang karamihan sa mga PUPian? Una dahil presko sa paa ang preskong hangin sa catwalk at masarap sa pakiramdam ang mahanginan ang mga paang bumiyahe pa nang pagkalayo-layo. Kultura na rin sa PUP ang patalbugan o kung hindi naman ay pasikatan ng mga suot. Sa PUP lang ako nakakita ng estudyanteng papasok na nakatsinelas at nakamedyas na puti hanggang tuhod at pabalik-balik sa catwalk kaya hindi niya ‘yon sinuot para sa practice o anuman. Sa PUP mo makikita ang mga tsinelas na di mo tipo at gusto mong bilhin. Puwede ka ngang umupo sa upuan sa catwalk at magmasid ng mga dadaan para sa susunod mong sapatos o tsinelas. Talagang pangrampa ang catwalk ng PUP. Sa dulo, obligasyon mong gawing outstanding ang suot mo kesyo mura pa ‘yan o libo.






9.   Huwag mong isusumpa ang mga kawani ng PUP.

Huwag mong isusumpa ang mga kawani ng PUP dahil may dambuhalang pagsubok pa sa labas ng pamantasan sa oras na makagraduate ka na. Huwag mong sisihin ang mga janitor, ang mga security guard, ang mga nasa cashier, ang nasa registrar, at iba pang kawani na nagtatrabaho sa Sintang Paaralan, marami ang kanilang inaalagaang estudyante. At gaya ng ating mga magulang na napapagod, kailangan nila ng unawa at pahinga. Isipin mo na lang kung libo-libo ang kapatid mo at dalawa lang ang magulang mo, eksaherado ngunit ganyan marahil ang proportion ng kawani ng PUP at bilang ng mga estudyante nito.






10.Huwag kang magagalit sa mga aktibista.

Puwede kang magtampo sa kaingayan nila tuwing nag-eexam kayo. Puwede kang maasar sa tuwing pumapasok sila ng kuwarto niyo para magpolitical education habang nagrereview ka para sa next subject mo. Puwede kang magwalkout tuwing nagpolitical education na sila at narinig mo na iyon nang maraming beses. Ngunit PUPian, huwag kang magalit sa kanila: sila na lumalaban para sa karapatan mo bilang estudyante, sila na nagtatanggol sa sambayanang Pilipinong naapi sa lipunan, sila na naghahanap ng hustiya, at higit sa lahat, sila na lumaban para sa matatag na P12 per unit na tuition na binabayaran mo para sa di napag-iiwanang kalidad ng edukasyon. May mga panahong oo nakakasawa na pero kung iintindihin sila, lalapitan nang malapitan, maiintindihan mo ang problema ng nanay mo, ng tatay mo, ng mga kapatid mo, ng mga kamag-anak mo, at ng bayan mo.











Isinulat ko ito para sa mga bagong papasok sa PUP, sa mga kasalukuyang estudyante nito at sa mga nagsipagtapos na rito. Hindi ko ito isinulat upang kamanghaan ang mga nag-aaral sa pamantasan at upang magkatrabaho dahil hindi naman kailangan. Isinulat ko rin ito bilang pasasalamat sa lahat ng nakilala kong estudyante, unitrend, propesor, non-teaching personel at admin, sa lahat ng karanasang masasabi kong nagbigay sa akin ng lakas upang humarap sa hamon ng buhay.




3 comments:

  1. Jerome, magcontribute ka dun sa ginagawang libro/ compilation ng kaibigan naming prof! :D Tapus balakin mo na ding magturo sa PUP, sabay tayo! :DD Nice! :)

    ReplyDelete
  2. Sinong prof? Close kayo? Wala pa akong nararating para magcontribute do'n.

    ReplyDelete